ANG AKING NAIS



Malimit kong maramdaman na ako'y mag-isa.
Nakakatawa dahil alam kong maraming nagmamahal sa akin at sumusuporta sa akin. Nariyan ang pamilya ko. Ang aking iniidolong ama, na kahit sa edad na 60 ay kumakayod pa rin sa trabaho para may maipakain sa amin. Ang aking mahal na ina, na sa halos buong buhay nya ay pinaglilingkuran pa rin nya kaming mga anak niya. Ang mga kapatid ko, na kahit hindi ko madalas makita at makausap, ay alam kong kapag ako ay nadapa, kakaripas sila ng takbo para tulungan akong tumayong muli. Ang mga kaibigan ko, na may malaking tiwala at bilib sa mga kakayahan ko. Sa mga kakayahan ko na ipinagkaloob ng Panginoon, na siyang nagpapaligaya sa akin at bumubuo ng aking pagkatao.

Malimit kong naiisip na ako'y praning na. Marami akong iniisip. Pati mga bagay na wala namang kabuluhan, o kaya'y para sa ibang tao ay wala namang kwenta, iniisip ko pa. Kung maaari lang ibenta ang utak, sulit na sulit sa akin dahil gamit na gamit na ang utak ko. Pagmulat nang bahagya ng aking mata sa umaga, hanggang sa pagsara nito bago matulog ay umaandar pa rin ang aking isipan.

Malimit kong sabihin na ako ay nahihirapan na. Marami akong hinaing at reklamo sa buhay. Kahit na kung tutuusin ay isa ako sa mga maswerteng nilalang na ipinanganak sa mundo.


"Nais kong matuto.
Matutunang maging maligaya at makuntento
sa kung anong meron ako.

Nais kong maging maligaya.
Maging maligaya sa buhay na ako'y meron na.
Nais kong magpasalamat.
Magpasalamat sa kapalarang ipinagkaloob ng Panginoon."



0 comments:

No walls. No glass. No hype. no pretenses. Just Me.